Ramon Lagua

Professional Blind Shiatsu Therapist

Lagua Massage Services Logo

About Ramon Lagua

About Ramon Lagua Si Ramon Lagua ay isang propesyonal na blind massage therapist na may higit dalawampung taong karanasan sa tradisyunal na Shiatsu. Ipinanganak noong Marso 17, 1981 at lumaki sa Sta. Rosa, Laguna, si Ramon ay maagang namulat sa mabigat na hamon ng buhay. Noong kanyang kabataan, siya ay na-diagnose na mayroong congenital glaucoma na ayon sa kanya, ito ay kanyang namana mula sa panig ng kanyang ina. Sa kanyang paglaki, unti unting lumala ang kanyang sakit na nagsanhi ng kanyang pagkabulag. Sa pagdilim ng kanyang palikid, dumoble ang hirap na kanyang dinaranas higit lalo sa kanyang araw araw na pag galaw. Ngunit sa tulong ng panginoon, hindi ito naging hadlang upang sya ay patuloy na lumaban sa buhay, pagtagumpayan ang mga pagsubok, at patuloy na abutin ang kanyang mga pangarap. Noong taong 1997, natuklasan ni Ramon ang mundo ng pagmamasahe. Dito ay nagsimula ang bagong yugto ng kanyang buhay, isang yugto na nagtulak sa kanya upang humakbang sa landas na hindi lang nagbigay ng kanyang pagkakakitaan, ngunit isang maliwanag na tanglaw upang ang kadiliman ay mapawi at mapalitan ng lakas at pag-asa. Sa paglipas ng panahon, kanyang patuloy na hinasa ang sarili sa larangan ng pagmamasahe na nagtulak upang mas mapahusay niya ang kanyang kakayanan at talento sa Shiatsu. Sa bawat taong kanyang pinaglilingkuran, bitbit nya hindi lamang ang layuning kumita ng pera, bagkus ang hangaring mapagaan at guminhawa ang pakiramdam ng mga ito. Dahil sa kanyang ganitong dedikasyon, unti unting sumibol at nakilala ang kanyang pangalan at dumami ang mga taong nagtiwala sa kanyang serbisyo. Para kay Ramon, ang pagmamasahe ay hindi lang isang trabaho o paraan upang kumita ng pera. Datapwat ito ay isang pamamaraan upang mapaglingkuran at matulungan ang kanyang kapwa. Ito rin ang pundasyon upang matupad ang kanyang hangaring maging insperasyon hindi lang sa kapwa niya mayroong kapansanan, ngunit para sa lahat na makita na hindi hadlang ang kahit anong kakulangan at limitasyon ang isang tao upang mamuhay ng normal, may dignidad, at marangal. Para sa kanya, walang kahit ano ang imposible basta taglay mo sa iyong puso at isipan ang pananampalataya sa diyos, tiwala sa iyong kakayanan, at determinasyon na maabot ang iyong pinapangarap. At naniniwala syang dumilim man ang pisikal na nakikita ng kanyang mga mata, malinaw naman ang kanyang hangaring magtagumpay at mag-iwan ng isang magandang salaysay tungkol sa kanyang buhay.